Isang West Virginia college student na si Dylan Bish, 19, ang inaresto matapos umano niyang takutin at bantaan ang kanyang kapitbahay sa Pennsylvania, ayon sa mga awtoridad. Si Bish ay sinasabing nagpakilalang serial killer at nagtangka pang takutin ang biktima sa pamamagitan ng mga sulat at text messages.
Nagsimula ang insidente noong Nobyembre 2024 nang makakita ng handwritten note ang biktima sa kanyang apartment door na may pangalan niya at isang numero ng telepono. Noong Pebrero 2025, lumitaw ang isa pang sulat na may gruesome at sekswal na pantasya, kasama na ang pagbabanta na gagamit ng chainsaw para putul-putulin ang katawan ng biktima. Noong Marso 10, nagpadala si Bish ng text sa mga pulis kung saan inamin niyang may napatay na siyang 20 kababaihan at ang biktima umano ang kanyang susunod na target.
Sa imbestigasyon, inamin ni Bish na siya ay obsessed sa biktima at hindi titigil hangga't ito ay patay na. Lalo pang nabahala ang mga pulis nang malaman nilang si Bish ay nag-aaral ng Criminal Justice at Forensic Science sa Salem University upang matutunan kung paano gumagana ang mga pulis at FBI para hindi siya mahuli.