Isang babae ang nakaligtas matapos ma-trap sa kanyang nabanggang sasakyan sa loob ng anim na araw sa pamamagitan ng pagsipsip ng tubig na nasipsip ng kanyang jacket.
Ayon sa Newton County Sheriff’s Office, ang 41-anyos na si Brieonna Cassell ay nagmamaneho malapit sa Newton County Landfill noong Miyerkules, Marso 6 bago siya naiulat na nawawala.
Ayon sa kanyang ama, posibleng nakatulog si Cassell habang nagmamaneho, dahilan para mahulog ang kanyang sasakyan sa isang kanal na hindi kita sa daan.
"Grabe ang sakit na nararamdaman niya. Sumisigaw siya ng tulong. Naririnig niya ang mga sasakyan na dumaraan pero hindi siya nakikita mula sa kalsada," sabi ng kanyang ama na si Delmar Caldwell sa ABC7 Chicago.
Si Cassell, na isa ring ina ng tatlo, ay natagpuang buhay at nakakapagsalita makalipas ang anim na araw ng isang dumadaan, na agad tumawag sa lokal na bumbero para sa tulong.
Nakaligtas si Cassell sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang jacket at hoodie na kanyang binasa sa malapit na creek. “Kinukuha niya yung jacket at hoodie niya tapos itinatapon sa tubig, parang nangingisda,” ayon sa kanyang ama. “Pagkatapos nun, sisipsipin niya yung tubig mula sa mga ito para makainom.”
Si Cassell ay nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang mga binti, tadyang, at pulso. Siya ay agad na dinala sa isang ospital sa Chicago gamit ang helicopter para mabigyan ng agarang lunas.
Ayon sa ulat ng lokal na news outlet na WTHR, kasalukuyan nang stable si Cassell ngunit kailangan pa rin sumailalim sa operasyon dahil sa mga isyu sa paggaling ng kanyang mga binti.