Ayon sa Bureau of Immigration (BI), posibleng umalis sa Pilipinas si Harry Roque gamit ang backdoor exit sa Tawi-Tawi — kapareho ng ginamit ni dating Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, nakita si Roque sa Tawi-Tawi noong umaga ng Setyembre 2, 2024, dalawang araw bago siya dumating sa United Arab Emirates.
Dahil wala umanong record ng pag-alis ni Roque sa BI, malaki ang posibilidad na ginamit niya ang parehong ruta ni Guo para makalabas ng bansa.
Si Roque ay may arrest order matapos hindi dumalo sa pagdinig ng Kongreso tungkol sa mga Philippine offshore gaming operators (POGO).
Noong Lunes, sinabi ni Roque na mag-aapply siya ng asylum sa Netherlands, kung saan bahagi siya ng legal team na dumedepensa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Dagdag ni Viado, may limitasyon sa tauhan ng BI fugitive search unit, na may 16 personnel lang at walang access sa lahat ng daungan.
Pinasinungalingan din ni Viado na dumaan sa kanilang mga terminal si Alice Guo, batay sa mga certification under oath ng mga terminal heads ng BI.