Isang mambabatas ang nag-alok ng P100,000 reward para sa makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa pagkamatay ng isang 23-anyos na Slovak tourist sa Boracay.
Sa isang pahayag noong Martes, sinabi ni Aklan Second District Rep. Teodorico Haresco Jr. na nag-alok siya ng P100K na pabuya para sa sinumang may impormasyon na makakatulong matukoy kung sino ang nasa likod ng pagpatay kay Michaela Mickova.
Ayon kay Haresco, nakipagpulong siya sa mga local law enforcement officials nitong weekend para sa updates tungkol sa imbestigasyon.
Malay police ay kasalukuyang may hawak na dalawang persons of interest, habang siyam na saksi naman ang nagbigay ng kanilang mga salaysay sa mga awtoridad.
"Kailangan nating kumilos agad at may determinasyon para maresolba ito at maibalik ang tiwala ng publiko. Kailangan nating ipakita na ligtas ang Boracay para sa mga turista," sabi ni Haresco.
Dagdag pa niya, "Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya kasama ang mga lokal na opisyal sa Boracay, Malay, at mga ahensiyang pambansa para mapigilan ang ganitong insidente sa hinaharap."
Ayon sa Western Visayas police, natagpuan ang biktima sa loob ng isang abandonadong chapel dalawang araw matapos siyang i-report na nawawala.
Nalaman ng pulisya na posibleng dumanas ang biktima ng sexual abuse at tinamaan ng matinding blunt force trauma sa ulo.