Isang patay na sanggol ang natagpuan sa isang basurahan sa Antipolo, Rizal noong Marso 18, madaling araw.
Ayon kay Leilani Reyes, opisyal ng Violence Against Women and Children (VAWC) sa Barangay San Jose, ang sanggol ay binalot sa plastic, isinilid sa isang kahon, at tinakpan ng packing tape kaya't mistulang parcel ito.
Base sa imbestigasyon ng Barangay San Jose Public Safety Office, tinatayang 6-7 buwang gulang na sanggol na babae ito. Ayon kay Irene Favor, opisyal din ng VAWC, buo na umano ang sanggol at maaari na sana itong mabuhay.
Sa kuha ng CCTV, may ilang indibidwal na nagtapon ng basura sa lugar kung saan natagpuan ang sanggol. Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang nag-iwan ng kahon.
Maaari umanong makasuhan ang ina ng sanggol o sinumang may kinalaman sa pag-abandona nito.
Paalala naman ng VAWC sa mga kababaihang hindi handa sa pag-aalaga ng sanggol na mas mabuting ipaampon ito sa DSWD kaysa abandonahin o ipalaglag.