Dalawang engineer mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang napatay sa isang ambush sa Barangay Lanao, Kidapawan City, Cotabato noong hapon ng Biyernes, March 14.
Ayon kay Lt. Col. Dominador Palgan Jr., hepe ng pulisya sa Kidapawan City, namatay agad sina Mohammad Jalaluddin Mandangan at Benhur Piang dahil sa mga tama ng bala na natamo nila sa ambush.
Ang dalawang biktima ay mga senior na empleyado sa 2nd District Engineering Office ng DPWH-12 sa Cotabato province.
Nakasakay sila sa isang white Toyota Hilux pick-up truck na minamaneho ni Mandangan. Papunta sila sa kanilang opisina matapos dumalo sa Friday worship rite sa isang mosque sa Kidapawan City. Habang nasa daan, bigla silang pinagbabaril ng mga armadong lalaki na sakay ng motorsiklo.
Dahil sa tama ng bala sa ulo, nawalan ng kontrol si Mandangan sa manibela kaya bumangga ang kanilang sasakyan sa isang electric post.
Nanawagan si Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, tagapangulo ng Cotabato Provincial Peace and Order Council, kina Lt. Col. Palgan at Col. Gilberto Tuzon, director ng pulisya sa Cotabato, na magtulungan para matukoy ang mga salarin.
Kinondena rin ni Mendoza ang insidente at hinikayat ang mga katrabaho ng mga biktima na tumulong sa imbestigasyon upang makamit ang hustisya.