Isang endangered leopard cat o Tamaral ang nakita sa loob ng isang hotel sa Barangay San Jose, Puerto Princesa, Palawan noong Marso 13.
Ayon kay G. Ruel Sangabriel, staff ng hotel, inakala niyang ordinaryong pusa ito ngunit laking gulat niya nang mapansin niyang isa pala itong leopard cat.
Sa kabila ng takot ng kanyang mga kasamahan, mas inisip ni Sangabriel ang kaligtasan ng hayop. Alam niyang hindi ito dapat saktan o gawing alaga, kaya't agad niya itong dinala sa PCSDS office upang matiyak ang kaligtasan nito.
Samantala, maraming netizens ang natuwa at nagsabing "Adorable" ang naturang hayop. May mga nagpaalala rin na hindi ito dapat ibyahe palabas ng Palawan dahil ito ay isang endemic species.
Ayon sa PCSD Resolution 23-967, ang leopard cat ay itinuturing na endangered species.
Kung makakita ng distressed wildlife, maaaring tumawag sa Wildlife Rescue Team sa 0931 964 2128 o 0965 662 0248, o makipag-ugnayan sa kanilang opisyal na Facebook page.