Paalala sa mga pasaherong sasakay sa Singapore Airlines: Simula April 1, ipinagbabawal na ang paggamit ng power banks habang nasa biyahe.
Inanunsyo ng Singapore Airlines sa kanilang social media na bawal nang i-charge ang power banks gamit ang onboard USB ports at hindi na rin puwedeng gamitin ang mga ito para mag-charge ng mga personal devices habang nasa biyahe.
Gayunpaman, puwede pa ring mag-charge ng devices sa pamamagitan ng direct charging gamit ang onboard USB ports.
Ayon sa kanilang pahayag noong March 12, sinusunod ng SIA Group ang International Air Transport Association's Dangerous Goods Regulations kung saan ang mga power banks ay itinuturing na bahagi ng mga lithium batteries.
Dahil dito, dapat na ilagay sa cabin baggage ang mga power banks at hindi sa checked baggage.
Paalala rin ng airline na ang mga power banks na may kapasidad na 100Wh (27,027mAh) hanggang 160Wh (43,243mAh) ay kailangang may approval bago isakay.
Ilang airlines tulad ng Scoot, Eva Air, at Thai Airways ay susunod din sa parehong patakaran.
Noong unang bahagi ng Marso, inanunsyo rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bawal na sa lahat ng flights ang mga power banks na lampas sa 160Wh.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pagbabawal ng Air Busan sa pagdadala ng power banks at e-cigarettes sa mga overhead bins matapos magkasunog sa isa sa kanilang mga eroplano.
Noong January 28, nagkaroon ng sunog sa overhead luggage bin ng isang Air Busan aircraft habang naghahanda itong lumipad patungong Hong Kong. Ligtas namang na-evacuate ang lahat ng pasahero.
Hindi pa matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog, ngunit kilala ang mga lithium-ion batteries bilang mga rechargeable batteries na matatagpuan sa mga laptops, smartphones, tablets, e-cigarettes, at power banks.