
Isang HR manager sa Shanghai, China, na kinilalang si Yang, ang nadiskubreng gumawa ng 22 pekeng empleyado upang kunin ang kanilang sahod na umabot sa 16 milyong yuan (PhP 126.6 milyon).
Ayon sa South China Morning Post, si Yang ay nagtatrabaho sa isang labor services company na namamahala sa payroll ng mga empleyado sa isang tech company.
Nang mapansin niyang siya lang ang may awtoridad sa paglalagay ng empleyado at walang proseso ng pag-review ng sahod, gumawa siya ng rekord para sa isang di-umano'y empleyado na si "Sun" at inilipat ang sahod nito sa kanyang sariling bank account (pero hindi sa kanyang pangalan).
Noong 2022, nadiskubre ng finance department ng tech company na si Sun ay may perfect attendance at laging nakakatanggap ng sahod kahit na wala ni isang empleyado ang nakakakita sa kanya.
Matapos ang masusing imbestigasyon, nadiskubreng si Yang ay nagsagawa ng scam mula pa noong 2014.
Si Yang ay nahatulang makulong ng 10 taon at 2 buwan dahil sa paglustay ng pondo. Siya rin ay pinatawan ng multa at pinagbawalang bumoto o tumakbo sa anumang pampublikong posisyon sa loob ng isang taon.
Siya ay inutusan ding ibalik ang 1.1 milyong yuan (PhP 8.7 milyon), habang ang kanyang pamilya ay inatasang isauli ang 1.2 milyong yuan (PhP 9.4 milyon) sa mga ninakaw na pondo.