Isang babaeng streamer sa Tokyo, Japan ang nasaksak habang nasa live stream nitong umaga ng Marso 11. Ayon sa mga ulat, ang biktima ay nasa edad 20 pataas at nagtamo ng maraming saksak sa leeg, ulo, at dibdib. Dinala siya agad sa ospital ngunit idineklarang patay.
Arestado naman sa lugar ang isang 40-anyos na lalaki na umamin na mayroong silang alitan ng biktima. Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung may relasyon ang dalawa.
Ang biktima ay nakilala bilang isang streamer na gumagamit ng pangalang Mogami Ai at kilala sa kanyang content na “Yamanote Line Walk” kung saan naglalakad siya sa paligid ng Tokyo. Sa kasamaang-palad, ang malagim na pangyayari ay nasaksihan ng mahigit 6,500 viewers sa kanyang live stream. Sa video, makikitang siya ay duguan habang nakahandusay sa sahig, at maririnig ang malamig na pahayag ng suspek: "Siguro patay na siya."
Mula sa iilang manonood lamang, agad na dumami ang mga tao sa stream na nagbigay ng babala at tumawag ng tulong sa mga awtoridad.