Opisyal nang kinilala si Shitsui Hakoishi, isang 108-anyos na Haponesa, bilang pinakamatandang babaeng barbero sa mundo ayon sa Guinness World Records. Pero kahit nasa record books na siya, plano pa rin niyang magtrabaho hanggang 110 taong gulang!
Si Hakoishi, ipinanganak noong 1916, ay nagsimulang maging barbero sa edad na 14 matapos siyang imbitahan bilang apprentice sa isang hair salon sa Tokyo.
"Masayang-masaya ako. Punong-puno ang puso ko," ani ni Hakoishi sa seremonya sa Nakagawa, Tochigi.
Ayon sa Guinness, may hiwalay na kategorya ang pinakamatandang babaeng at lalaking barbero. Ang dating may hawak ng record sa lalaki, si Anthony Mancinelli, ay nagtrabaho sa New York hanggang 107 taong gulang, pero pumanaw na.
Sa kanyang kabataan, nagpakasal si Hakoishi at nagtayo ng salon kasama ang kanyang asawa. Ngunit, nangyari ang World War II, at ang kanyang asawa ay namatay matapos ma-conscript sa giyera.
Ang kanilang salon at bahay sa Tokyo ay nasunog sa pambobomba ng US military, pero nakaligtas si Hakoishi at ang kanyang mga anak matapos silang lumikas pabalik sa kanyang hometown sa Nakagawa.
Matapos ang ilang taon, muli siyang nagbukas ng salon sa Nakagawa, kung saan nagtatrabaho pa rin siya hanggang ngayon. May mga dating kliyente pa rin siyang tumatawag para magpa-appointment ng gupit.
Bagaman nakatira na siya sa isang care home, kaya pa rin niyang alagaan ang sarili.
Noong 2021 Tokyo Olympics, isa siya sa mga torchbearer at naglakad ng 200 metro bilang bahagi ng selebrasyon.
Sa tanong kung ano ang kanyang susunod na plano, sagot niya: "Magiging 109 ako ngayong taon, pero gusto ko pang magtrabaho hanggang 110!"