Hindi bababa sa 11 tao ang patay at 30 ang sugatan, kabilang ang 5 bata, matapos ang Russian missile at drone attacks sa Dobropillia, Ukraine, ayon sa Ukrainian Interior Ministry nitong Sabado, Marso 8.
Ginamit ng Russian forces ang ballistic missiles, rockets, at drones sa pag-atake, na sumira sa 8 gusali at 30 sasakyan. Habang nagsasagawa ng rescue operations, muling inatake ang lugar, na nagdulot ng karagdagang pinsala sa isang fire truck.
Bukod dito, 3 sibilyan ang patay at 7 ang sugatan sa isang drone attack sa Kharkiv region.
Ayon kay President Volodymyr Zelenskyy, ang patuloy na pag-atake ay patunay na hindi nagbabago ang layunin ng Russia. Nanawagan siya ng mas matibay na depensa at mas mabibigat na parusa laban sa Russia.
Ayon sa Ukrainian military, ginamit ng Russia ang Iskander ballistic at cruise missiles at 145 drones sa kanilang pag-atake. Nawasak ng air defense forces ang 1 cruise missile at 79 drones, habang 54 drones ang hindi nakarating sa target dahil sa electronic countermeasures.