
Pumanaw na si Pamela Bach, isang aktres na lumabas sa Baywatch at The Young and the Restless, sa edad na 62.
Kinumpirma ng kanyang representative na si Sharon Kelly ang balita at sinabing nagdadalamhati pa rin sila sa biglaang pangyayari.
“Si Pamela ay isang ‘force of nature’ at labis siyang mamimiss. Mahal na mahal niya ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang mga anak at apo,” ani Kelly.
Naglabas din ng pahayag ang kampo ng kanyang dating asawa na si David Hasselhoff, na nagsasabing nalulungkot sila sa balita at humihiling ng pribadong panahon para magluksa.
Ayon sa ulat ng TMZ, natagpuan si Pamela sa kanyang bahay sa Los Angeles matapos hindi siya makontak ng kanyang pamilya.
Nagsagawa ng welfare check ang mga pulis at natagpuan siyang wala nang buhay. Ayon sa ulat, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay isang self-inflicted gunshot wound sa ulo. Wala umanong note na natagpuan.
Si Pamela Bach ay naging asawa ni Hasselhoff mula 1989 hanggang 2006 at mayroon silang dalawang anak.
Maliban sa Baywatch at The Young and the Restless, lumabas din siya sa mga palabas tulad ng Rumble Fish, Sirens, The Fall Guy, at Knight Rider.
Kung ikaw o may kakilala kang nakararanas ng matinding kalungkutan, maaaring tumawag sa National Mental Health Crisis Hotline sa 1553 (Luzon-wide, landline toll-free), 09178998727 (Globe/TM), o 09190571553 (Smart).