
Pumanaw na ang 20-anyos na bodybuilder na si Jodi Vance matapos makaranas ng atake sa puso. Kinumpirma ito ng kanyang pamilya sa kanyang Instagram page, kung saan sinabi nilang tumigil ang kanyang puso dahil sa komplikasyon ng matinding dehydration.
Ayon sa TMZ Sports, nagsimulang makaramdam ng sakit si Jodi matapos dumalo sa Arnold Sports Festival sa Ohio upang suportahan ang mga atleta na kanyang tinutulungan. Sa isang Instagram video, sinabi ng kanyang coach na si Justin Mihaly na gumamit si Jodi ng mapanganib na substances para mapaganda ang katawan niya—nang hindi nila alam.
Sinabi ni Mihaly na ilang beses nilang pinaalalahanan si Jodi na maghinay-hinay, pero talagang dedikado ito sa kanyang training. Dagdag pa niya, ang isang substance na ginamit ni Jodi ay dati nang napag-usapan nila ngunit napagdesisyunang huwag gamitin.
Sa kabila ng malungkot na pangyayari, sinabi ni Mihaly na ipagpapatuloy nila ang paggalang at positivity bilang alaala kay Jodi, na inilarawan niya bilang matalino at minahal ng marami.