Ipinagdiriwang ng Adobe ang ika-35 anibersaryo ng Photoshop sa pamamagitan ng paglabas ng isang bagong mobile app na ginawa lalo na para sa mga smartphone—at ang maganda rito, libre ito!
Ang bagong Photoshop app ay available na para sa iPhone, at ayon sa Adobe, paparating na rin ang Android version. Puwedeng mag-upgrade para sa premium features, pero ang free version ay may mahahalagang tools tulad ng layering at masking para sa pag-edit ng larawan. Gamit ang Tap Select tool, madali ring mababago o matatanggal ang mga elemento sa larawan. Bukod dito, may direct integration ito sa iba pang Adobe apps tulad ng Express at Lightroom para sa mas maayos na workflow.
Kasama rin sa app ang AI-powered tools tulad ng Adobe Firefly, Generative Fill, at Generative Expand. May access din ang users sa Adobe Stock library nang libre, kaya mas maraming creative possibilities kahit on-the-go.
Ayon kay Ashley Still ng Adobe, ang bagong Photoshop mobile app ay para sa lahat—mula sa mga professional artists hanggang sa mga first-time Photoshop users. Dagdag pa niya, ang mobile at web apps ng Photoshop ay nagbibigay ng bagong paraan upang lumikha ng magagandang larawan, graphics, at digital art kahit kailan at kahit saan.
Para sa mas advanced na features, may Photoshop Mobile at Web plan na nagkakahalaga ng $7.99 USD/buwan o $69.99 USD/taon. Kasama rito ang higit sa 20,000 fonts, advanced blend modes, at AI-generated images na ligtas para sa commercial use. Available na ang bagong Photoshop app sa App Store, kaya abangan na rin ang release para sa Android!