
Matinding init ang naging dahilan ng pagsuspinde ng klase sa ilang paaralan sa Metro Manila kahapon, ayon sa Department of Education (DepEd). Kabilang sa mga lungsod na nagpatigil ng face-to-face classes ay Manila, Malabon, Parañaque, Las Piñas, at Pasay. Sa Valenzuela at Caloocan, lumipat ang mga paaralan sa blended o asynchronous learning, habang sa San Juan, nagpatupad ng bagong class schedule mula 6 a.m. hanggang 10 a.m. at 3 p.m. hanggang 7 p.m.
Dahil sa mataas na heat index, ilang lungsod sa Pampanga tulad ng Angeles at San Fernando ay nagsuspinde ng afternoon classes. Wala pang naiulat na kanselasyon ng klase sa ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, ngunit ipinatutupad na ng DepEd ang remote learning options bilang alternatibong paraan ng pagtuturo. Maraming grupo ang muling nanawagan na ibalik ang dating school calendar, dahil hindi umano akma sa klima ng bansa ang kasalukuyang August-to-June schedule.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang temperaturang umaabot ng 42-51°C ay maaaring magdulot ng heat exhaustion, heat cramps, at heat stroke. Upang maiwasan ito, pinapayuhan ang publiko na uminom ng maraming tubig, iwasan ang soft drinks, kape, at alak, at limitahan ang exposure sa araw mula 10 a.m. hanggang 4 p.m. Dapat ding magsuot ng preskong damit at gumamit ng pananggalang sa init tulad ng payong at sunblock.
Sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na hindi sapat ang pansamantalang suspensyon ng klase upang solusyunan ang problema ng matinding init sa mga paaralan. Ayon kay ACT Chairman Vladimer Quetua, dapat pondohan agad ng gobyerno ang emergency cooling measures at pabilisin ang pagtatayo ng climate-resilient classrooms. Kailangan ding taasan ang pondo para sa school infrastructure upang matugunan ang kakulangan ng 250,000 silid-aralan sa bansa.
Nanawagan din ang mga labor groups na ipatupad ang heat breaks sa mga workplace upang maiwasan ang heat-related illnesses sa mga manggagawa. Ayon kay TUCP President Raymond Mendoza, dapat gawing mandatory ang hazard pay para sa mga manggagawang exposed sa matinding init. Suportado rin ito ng Federation of Free Workers President Sonny Matula, na nagsabing dapat isama ang "heat leave" sa collective bargaining agreements ng mga empleyado.