Natagpuan ang bangkay ng isang 14-anyos na dalagita sa mababaw na hukay sa Panabo City, Davao del Norte, matapos siyang mawala noong huling linggo ng Pebrero.
Ayon sa Davao City Police, nadiskubre ang pinaglibingan niya noong gabi ng March 1 sa Brgy. Little Panay, matapos siyang hanapin ng kanyang tunay na ama na si "Mark" (di tunay na pangalan).
Ang biktima, na itinago sa pangalang Cyrille, huling nakitang kasama ang kanyang stepfather na si Mark Bernabe, 40-anyos, ayon sa mga testigo.
Base sa imbestigasyon, isang manggagawa sa banana plantation ang nagsabing nakita niya si Bernabe at ang dalagita na magkasamang naglalakad patungo sa sagingan bago ito mawala.
Sa parehong lugar, may napansin ang mga pulis na nakaumbok na lupa. Nang hinukay nila ito, doon nila nadiskubre ang bangkay ni Cyrille.
Kahit una nang sinabi ni Bernabe sa pulis na nawawala lang ang kanyang stepdaughter, nagduda ang mga awtoridad dahil may senyales na sinaktan at pinatay muna ang dalagita bago ibinaon sa lupa.
Inaresto si Bernabe, na noong una ay itinanggi ang krimen pero kalaunan ay inamin din umano matapos siyang ituro ng testigo.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso.