Isang 75-anyos na lalaki sa Japan ang hinatulan ng 25-taong pagkakakulong matapos mapatunayang pumatay at nagtago ng bangkay. Sa muling pagsisiyasat, natuklasan ng pulisya na posibleng sangkot din siya sa isa pang kaso ng pagpatay na nangyari 17 taon na ang nakalipas. Ang biktima ay dati rin niyang katrabaho. Bukod dito, may mga customers ng kanyang yakiniku restaurant na nagreklamo na may kakaibang lasa ang inihahaing karne, kaya lumabas ang hinalang baka may halong laman ng tao.
Ayon sa ulat ng Japanese media, si Yoshitaka Kokyo, 74, ay unang nahatulan noong 2018 sa pagpatay kay Nao Nakagawa, 69-anyos, na dati niyang katrabaho sa isang construction company. Matapos ang krimen, pinagputul-putol niya ang katawan at itinapon sa isang embankment malapit sa Hayama River. Habang siya ay nagsisilbi ng sentensiya sa Okayama Prison, natuklasan ng pulisya ang koneksyon niya sa isang kaso noong 2008, kung saan natagpuan ang mga pira-pirasong bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa Lake Biwa, Shiga Prefecture.
Makaraan ang isang dekada, nakumpirma ng awtoridad na ang biktima noong 2008 ay si Kawamoto Hideyuki, isang 39-anyos na dating katrabaho rin nina Kokyo at Nakagawa. Napag-alaman na may alitan sila sa pera at dati nang may record ng pananakit si Kokyo kay Kawamoto. Mula sa pagkakakilanlan ng bangkay, umabot pa ng pitong taon bago nahanap ng pulisya ang matibay na ebidensya para maiugnay si Kokyo sa krimen, kaya siya ay inaresto noong Pebrero 27, 2025.
Sa mas malalim na imbestigasyon, natuklasan sa yakiniku restaurant ni Kokyo ang mga buto ng tao sa tubo ng tubig. Matapos ang DNA testing, nalaman ng pulisya na hindi ito nagmula sa alinman sa dalawang naunang biktima. Dahil dito, lumakas ang hinalang mayroon pang isang biktima na hindi pa natutukoy.
Ayon sa ulat ng Japanese media, isang customer ng restaurant ang nagsabing karaniwan ay masarap ang karne sa lugar, ngunit minsan ay may inihain silang kakaibang karne na hindi matukoy kung ano. Ito ang lalong nagpalakas sa espekulasyon na posibleng may halong laman ng tao ang pagkain sa restaurant.