Binatikos ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa Cordillera si social media influencer at Vendors Party-list fourth nominee Deo “Diwata” Balbuena dahil sa kanyang "di magandang kilos" habang suot ang tradisyonal na kasuotan ng isang Indigenous Cultural Community (ICC/IPs) sa Cordillera.
Ayon sa NCIP, ang viral video ni Diwata ay nagdulot ng negatibong reaksyon mula sa mga ICCs/IPs sa rehiyon.
“Ang biglaang viral moment na ito ay nag-iwan ng hindi magandang impresyon, nagpagalit sa mga ICCs/IPs, at nagpakita ng kawalan ng sensitivity sa cultural appropriation,” sabi sa kanilang pahayag.
Ang nasabing video, na may mahigit 1,800 likes at 263 shares, ay nagpapakita kay Diwata na may ginagawa habang suot ang tradisyonal na kasuotan.
Sa video, sinabi niya:
"Guys, andito na naman tayo sa Baguio, hindi natin makukumpleto ang pagpunta natin dito kung hindi tayo makakapagsuot ng Igorot costume."
Dahil dito, kinondena ng NCIP ang paggamit ni Diwata ng salitang “costume” sa halip na tradisyonal na kasuotan, na itinuturing nilang maling representasyon ng kultura ng ICCs/IPs.
"Sa kanyang vlog, tinawag ni Diwata ang tradisyonal na kasuotan ng ICC/IPs bilang costume. Dahil dito, tila binababa niya ang halaga ng kasuotan bilang isang simpleng accessories o, mas malala, parang palamuti lang."
Isang Paulit-ulit na Isyu
Ayon sa NCIP, maaaring hindi intensyon ni Diwata na maka-offend, pero ipinakita ng kanyang kilos ang isang malalim na problema sa lipunan.
"Ang insidenteng ito ay nagpakita na marami pang kailangang gawin upang maitaguyod ang tamang kaalaman at respeto sa kultura ng ICCs/IPs."
Pinayuhan din nila ang mga may-ari ng rental stalls at iba pang negosyo sa Baguio na mas maging responsable sa kanilang kultura at lipunan.
"Isang turistang may tamang kaalaman sa kultura ay nangangahulugan ng isang vlog na hindi kontrobersyal at hindi kulang sa respeto sa hinaharap."
Kasama sa pahayag ang guidelines sa paggamit ng cultural materials at expressions ng mga indigenous people, base sa NCIP Advisory No. NA-2023-09-002.
"Sinumang magsusuot ng tradisyonal na kasuotan ng IPs at accessories nito ay kailangang kumuha muna ng permiso mula sa community na may-ari ng kultura."
"Ang mga cultural expressions tulad ng kanta, sayaw, chant, at ritwal ay dapat gamitin nang may tamang intensyon at respeto."
Si Diwata ay nakilala dahil sa kanyang viral na pares (braised beef stew with rice). Noong nakaraang linggo, sumali siya sa floral float parade ng Panagbenga Festival sa Baguio, sakay ng float na may nakasulat na: "Reyna ng Maninindang Pilipino."