Opisyal nang inilabas ng Amazon ang bagong bersyon ng Alexa—ang Alexa+. Ito ay pinapagana ng generative AI, kaya mas matalino, mas natural kausap, at mas maraming kayang gawin. Libre ito sa mga Prime members.
Ayon sa press release ng Amazon, ang Alexa+ ay maaaring mag-entertain, tumulong sa pag-aaral, mag-organisa ng schedule, magpaliwanag ng mahahalagang paksa, at makipag-usap tungkol sa halos kahit ano. Kaya rin nitong pamahalaan at protektahan ang iyong bahay, mag-book ng reservations, maghanap ng bagong artists, at tumulong sa online shopping gamit ang personalized suggestions.
Ang matagal nang inaabangang generative AI upgrade ng Alexa ay dinisenyo upang gawing mas madali ang paggamit ng voice commands sa pag-kontrol ng smart home o paghahanap ng impormasyon. Hindi na kailangang buuin ang buong pangungusap kapag kausap si Alexa+. Mayroon din itong vision capabilities—kaya nitong kumuha at suriin ang mga larawan.
Pwede mong gamitin si Alexa+ para mag-order ng groceries, magpadala ng event invites sa mga kaibigan, at tandaan ang personal na detalye tulad ng diet at paboritong pelikula. Kaya rin nitong pag-aralan ang study guides at magbigay ng quizzes, pati na rin mag-research ng travel itineraries para sa’yo.
Kung wala kang Prime, ang Alexa+ ay may presyong $19.99 USD per month. Inilunsad din ng Amazon ang bagong Alexa app na akma sa bagong assistant. Compatible ang Alexa+ sa halos lahat ng Alexa devices, kabilang ang Echo Show 8, 10, 15, at 21.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang New Alexa!