Ang Hennessey Performance ay naglabas ng pinakamalupit nitong Mustang — ang SUPER VENOM Mustang na may 850 HP at 650 lb-ft torque. Limitado lang sa 91 units sa buong mundo, ginawa ito bilang paggunita sa pagkakatatag ng kumpanya noong 1991.
Ginamit ng Hennessey ang 5.0L Coyote V8 ng Ford at tinaasan ang lakas nito ng 70%, salamat sa high-flow induction system, performance supercharger, upgraded fuel injectors, at fuel pump. Sa tulong ng custom engine management system, nagagawa nitong umabot sa 0-60 mph sa loob ng 3.2 segundo at quarter-mile sa 10.9 segundo sa bilis na 133 mph — mas mabilis ito kumpara sa Dark Horse Mustang.
May kasama itong VenomAero carbon fiber kit, na may front splitter, hood vent, side skirts, fender louvers, at malaking rear track wing. Dinisenyo ito para sa mas magandang aerodynamics at cooling, kaya swak sa track at kalsada.
Ayon kay John Hennessey, CEO ng kumpanya, "Ang SUPER VENOM Mustang ay may performance na parang supercar at ngayon ay mabibili na mismo sa Ford dealers na may kasamang warranty."
Nagsisimula sa $163,950 ang SUPER VENOM Dark Horse, habang $149,950 naman ang SUPER VENOM GT. Parehong may Ford factory warranty at Hennessey 3-year/36,000-mile coverage. Available ang unit sa black, silver, at red ‘91 Icon’ liveries.
Ginagawa na ito sa Hennessey HQ sa Sealy, Texas, at pwedeng mag-order sa Ford dealers o direkta sa Hennessey Performance website.