
Nagulantang ang CNN International anchor na si Richard Quest nang makita ang buhol-buhol na kable sa mga poste sa Metro Manila.
Sa isang Instagram video na in-upload noong Pebrero 26, makikita siyang nasa isang hindi pinangalanang kalsada sa Maynila habang pinapakita ang gulo ng mga kable.
"Tuwing nakikita ko ito, naiisip ko, paano kaya gumagana ito?" sabi niya habang tinuturo ang mga poste at iniikot ang kamera.
"Sa lahat ng spaghetti na ito, paano mo mahahanap ang isang kable na may sira?" dagdag pa niya, halatang namamangha.
Kasalukuyang nasa Pilipinas si Quest para sa isang documentary tungkol sa Masungi Georeserve sa Rizal, na ipapalabas ngayong Abril.
Ang Masungi Georeserve ay kilala sa berdeng tanawin at malamig na klima, pero matagal nang nanganganib dahil sa pagmimina, pagtotroso, at illegal na pagpapatayo ng gusali. Noong dekada ‘90, matinding deforestation ang pinagdaanan nito.
Noong Pebrero 20, ibinahagi ng Masungi Georeserve Foundation ang mga litrato nina Quest at ng kanyang team kasama ang aktor at singer na Markki Stroem, habang tinatahak ang Discovery Trail.