Isang saksi ang nagsabing si Brian Laundrie ay "umasta na parang baliw" bago niya pinatay si Gabby Petito, ang 22-anyos na babae na nawala noong Agosto 2021 at natagpuang patay makalipas ang isang buwan.
Ayon sa ulat ng Federal Bureau of Investigation (FBI), nakita ng saksi si Petito at Laundrie sa Moab, Utah habang naglalakbay siya at ang kanyang pamilya mula Las Vegas patungong Denver.
Habang nagmamaneho, napansin niya ang isang couple na may van na nakaparada sa gilid ng kalsada. May lalaking sinampal ang babae, na pinaniniwalaang si Petito.
Dahil dito, bumalik ang saksi, nag-park sa kabilang side ng kalsada, at pinanood ang dalawa sa loob ng 10 hanggang 15 minuto, mula 4:30 PM hanggang 4:45 PM.
Ayon sa dokumento ng FBI na inilabas ng New York Post, habang pinapanood ng saksi ang dalawa, si Laundrie ay nagwala—binubuksan at isinasara nang malakas ang pinto ng van, naglalakad-lakad, at tila nakiusap kay Petito. Sinubukan pa niya itong yakapin, pero itinulak siya palayo. Maya-maya, itinulak niya ang mga binti ng babae papasok sa van, isinara ang pinto, at pumasok sa driver’s seat.
Sa mga sandaling iyon, napansin ng saksi na pareho silang umiiyak, at si Laundrie ay tila nalilito, hawak ang ulo niya sa pagitan ng kanyang mga kamay.
Gusto sanang makialam ng saksi pero hindi na itinuloy dahil tumawag na siya ng 911 matapos halos mabangga ng isang truck ang sasakyan nila.
Nang makita niya sa balita na nawawala si Petito, agad niyang inireport sa FBI noong Setyembre 2021 ang kanyang nakita at sinabing sigurado siyang si Petito ang babaeng nakita niya sa Moab.
Ayon sa mga ulat, abusive ang relasyon nina Laundrie at Petito.
Noong Agosto 28, 2021, naglakad si Laundrie mula sa huling lokasyon nila sa Grand Teton National Park, Wyoming papunta sa ibang bahagi ng parke.
Pagkalipas ng dalawang araw, ginamit niya ang van ni Petito pauwi ng Florida, na hindi kasama si Gabby. Sampung araw bago i-report ng pamilya ni Petito na nawawala siya, bigla ring nawala si Laundrie.
Natagpuan ang bangkay ni Petito, at ayon sa autopsy, siya ay pinatay sa sakal at tinamaan ng blunt-force trauma sa ulo at leeg.
Noong Oktubre 2021, natagpuan din ang mga labi ni Laundrie sa isang nature reserve. Mayroon siyang notebook kung saan inamin niyang siya ang pumatay kay Petito bago siya nagpakamatay.
Muling nag-trending ang kaso nina Petito at Laundrie matapos ang paglabas ng Netflix miniseries na "American Murder: Gabby Petito."