OHHH. MYYYY. GOOOOD!
Tuloy na nga ang sequel ng kult classic na White Chicks, ayon kay Marlon Wayans.
Kinumpirma ito ni Marlon sa NAACP Image Awards 2025, kung saan ang Wayans family ay isinama sa Hall of Fame. Sa panayam ng Good Morning America, sinabi niya na matagal nang hinihiling ng fans ang part two.
“So, I think it’s time,” ani Marlon. “Unahin muna natin ang Scary Movie 6, tapos saka natin ilabas ang White Chicks 2.”
Noong Oktubre 2024, muling nagsama-sama sina Marlon, Shawn, at Keenen Ivory Wayans para gumawa ng bagong Scary Movie, ang una nilang proyekto sa loob ng 18 taon.
Dati Nang Ayaw ni Marlon ng Sequel
Bagamat kumpirmado na ngayon ang White Chicks 2, dati nang nagdadalawang-isip si Marlon tungkol dito.
Noong 2023, pinabulaanan niya ang mga tsismis tungkol sa sequel matapos lumabas ang ilang fanmade posters sa Facebook.
Sa isang GQ interview noong Mayo 2022, ibinahagi niya kung gaano kahirap ang paggawa ng White Chicks. Inaabot umano sila ng pitong oras sa makeup, 14 oras sa shooting, at isa pang oras sa pagtanggal ng makeup—at pagkatapos ng lahat, kailangan pa nilang makihalubilo sa iba pang cast members.
"Halos mamatay kami sa pelikulang 'yun," sabi ni Marlon. "Dalawang oras lang ang tulog namin ni Shawn bawat araw sa loob ng 65 araw."
Sa isang panayam naman sa Esquire noong Oktubre 2022, sinabi niyang mas gusto niyang gumawa ng sequel kung saan Black character ang gagampanan niya, sa halip na isang White woman. Aniya, mas madali itong gawin dahil 15 minuto lang ang makeup.
Dahil sa iconic na eksena at linya nito, nanatili ang White Chicks bilang kult classic. Sa loob ng maraming taon, patuloy na humihiling ang fans ng sequel—at ngayon, mukhang matutupad na ang matagal nilang hinihintay.