Bagong patok na singer-songwriter si Amiel Sol at kakalabas lang ng official music video ng viral niyang kanta "Sa Bawat Sandali." Bida rito sina Andres Muhlach at Ashtine Olviga, ang main cast ng sikat na high school rom-com series ng VivaOne na "Ang Mutya ng Section E," na nagsimula noong Enero 3, 2025, at may kabuuang 16 episodes.
Ang serye ay base sa Wattpad trilogy na may parehong title, sinulat ni Lara Flores (kilala sa username na “Eatmore2behappy”). Umiikot ang kwento kay Jay-jay (Olviga), isang transferee sa isang international school na napunta sa pinaka-maingay at pasaway na section—Section E. Dito niya nakilala ang class president na si Keifer (Muhlach), na may plano kasama ang kanyang classmates na paalisin siya. Pero sa hindi inaasahang mga pangyayari, ang dating inisan ay nauwi sa pagmamahalan.

Unang lumabas ang "Sa Bawat Sandali" noong Disyembre 6, 2024 bilang latest single ni Amiel Sol. Simula noon, naging viral ito dahil sa acoustic guitar vibes at hugot-filled lyrics na tumatak sa maraming nakikinig. Pumasok ito sa Billboard Philippines Hot 100 sa No. 58 noong Pebrero 1, 2025, at ngayon ay nasa No. 7. Kasabay nito, nasa No. 3 naman ito sa Billboard Philippines Top Philippine Songs. Patunay lang ito kung gaano ka-popular ang kanta sa mga Pinoy.
“Ang kantang ito ay mula sa paniniwala kong ang tunay na pagmamahal ay banayad, tapat, at sigurado,” sabi ni Amiel Sol sa isang post nang ilabas niya ang kanta noong nakaraang taon. “Sana lahat tayo ay may tahanan sa mga taong nagbibigay ng init sa gitna ng magulong mundo.”