Sa paggunita ng ika-39 na anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution ngayong Pebrero 25, isang multi-sectoral group ang nagpaalala sa kahalagahan ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno at ang pagtutol sa historical revisionism.
Ang TAMA NA (Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance) ay nanawagan ng pagkakaisa sa mga grupo na may parehong layunin para sa hustisya, pananagutan, at mabuting pamamahala.
“Dapat nating maalala ang EDSA People Power para hindi makalimutan ang ating kasaysayan at makita ang koneksyon nito sa kasalukuyang panahon,” sabi ng grupo.
Ayon sa kanila, marami pa ring problema ang hinaharap ng mga Pilipino ngayon, tulad ng maling paggamit ng pondo ng bayan at patuloy na pagtaas ng bilihin.
“Ang pera ng bayan, para sa bayan. Hindi ito dapat napupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal,” dagdag ng grupo.