Opisyal nang inilunsad ng Scuderia Ferrari ang SF-25, ang sasakyan nilang lalaban sa 2025 Formula 1 season, sa isang event sa O2 Arena, London. Dumalo sa unveiling sina Ferrari CEO Benedetto Vigna, Team Principal Fred Vasseur, at ang kanilang mga driver na sina Charles Leclerc at Lewis Hamilton. Ang SF-25 ay unang susubukan sa Fiorano nang pribado bago tumungo sa Bahrain para sa pre-season testing mula Pebrero 26 hanggang 28.
Ang SF-25 ay ang ika-71 na F1 car ng Ferrari. Habang pareho pa rin ang pangalan, nagkaroon ito ng malaking pagbabago sa disenyo. Sa ilalim ng pamamahala ni Loic Serra, pinalitan ng team ang front suspension system mula pushrod patungong pull-rod. Ang pagbabagong ito ay makakatulong sa mas maayos na airflow at aerodynamics. Kahit na hindi nagbago ang makina dahil sa F1 regulations, in-upgrade ng Ferrari ang performance strategy upang mas maging epektibo ito sa bawat karera.
Bukod sa teknikal na pagbabago, binago rin ng Ferrari ang kanyang livery. Ngayon, mas malalim at matte ang kulay ng Racing Red, may bold white stripe para sa modernong itsura, at manipis na glossy red at white details na nagbibigay-pugay sa Ferrari's classic style. Ang design na ito ay inspirasyon mula sa 499 Hypercar sa World Endurance Championship (WEC). Mapapansin din ang pulang wheel rims at ang race numbers ni Leclerc at Hamilton, na nakasulat gamit ang Ferrari Sans, ang opisyal na font ng Ferrari.
Ang SF-25 ay susubok sa unang tunay na kompetisyon sa Bahrain bago ang season opener sa Australia sa Marso 16.