Noong Miyerkules, inanunsyo ng Microsoft ang isang malaking scientific breakthrough na maaaring magpasimula ng quantum computing revolution. Ang Majorana 1 ang kauna-unahang quantum chip na pinapagana ng Topological Core architecture, isang bagong teknolohiya na gumagamit ng isang hindi pa natutuklasang estado ng matter.
Gamit ang unang topoconductor sa mundo, kaya nitong obserbahan at kontrolin ang mga partikulo upang makagawa ng qubits, ang pinakamahalagang bahagi ng quantum computers. Ang topoconductor ay gumagamit ng isang espesyal na materyal na lumilikha ng bagong estado ng matter—bukod sa tatlong pangunahing estado: solid, liquid, at gas. Dahil maaaring umabot sa isang milyong qubits, ang chip na ito ang magiging pundasyon para malutas ang mga kumplikadong problema sa industriya at lipunan na hindi kayang gawin ng tradisyonal na mga computer.
Upang maisakatuparan ito, gumamit ang Microsoft ng bagong material stack na binubuo ng indium arsenide at aluminum, na ginawa atom by atom upang lumikha ng Majorana particles. Sa pamamagitan ng bagong measurement methodology, maaaring i-control digitally ang mga qubits—isang malaking hakbang sa pag-unlad ng quantum computing.
Dahil sa breakthrough na ito, isa ang Microsoft sa dalawang kumpanyang kasali sa Underexplored Systems for Utility-Scale Quantum Computing (US2QC) program ng DARPA. Layunin ng programang ito na makabuo ng unang fault-tolerant quantum computer na magagamit sa malawakang industriya.
Bakit napakahalaga ng quantum computing? Ayon sa Microsoft, naniniwala ang mga siyentipiko na maaaring makatulong ang quantum computers sa pagtuklas kung bakit madaling masira ang mga materyales at pag-develop ng self-healing materials para sa industriya. Maaari rin nitong mapadali ang pagsira ng mga pollutants at plastic, mapahusay ang fertility ng lupa, at mapalakas ang produksyon ng pagkain sa matinding klima. Bukod pa rito, sa tulong ng AI technology, makakatulong ang quantum computing sa mga engineer, siyentipiko, at kumpanya upang mas mapabilis ang proseso ng disenyo at pagkuha ng tamang sagot sa mga kumplikadong problema.