Noong nakaraang taon, inutusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang malawakang pagsasaayos sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) at ang pagbawi ng lahat ng lisensya nito. Ayon sa kanya, ang industriya ng POGO ay nagiging pugad ng scam, korapsyon, at transnational crimes. Dahil dito, naglunsad ng imbestigasyon ang Kongreso at nagpadala ng ulat sa Department of Justice (DOJ) para palakasin ang batas laban sa dayuhang gumagamit ng pekeng dokumento.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, may mga dayuhan na gumamit ng pekeng birth certificate para magpanggap bilang Pilipino. Sa ganitong paraan, nagagawa nilang bumili ng ari-arian sa bansa at may ilan pang nagtangkang tumakbo sa halalan! Bukod sa identity fraud, may banta rin ito sa seguridad ng Pilipinas.
Ngunit, mahirap kumpiskahin ang mga ilegal na nakuhang ari-arian ng mga dayuhang ito. Sa ngayon, ang mga kaso ay dumadaan sa Anti-Money Laundering Act (AMLA), ngunit hindi sapat ang kasalukuyang batas upang mabilis na mabawi ang mga ilegal na asset. Ayon kay Remulla, kailangang magpasa ng bagong batas ang Kongreso upang magkaroon ng mas epektibong mekanismo para sa civil forfeiture ng mga ari-ariang nakuha gamit ang pekeng dokumento.
Kapag naaprubahan ang panukalang batas, mas mapapadali ang pagkansela ng mga pekeng dokumento at mas mabilis makukumpiska ang mga ilegal na yaman ng mga dayuhan. Mataas ang interes ng publiko sa panukalang ito, at maraming opisyal at legal experts ang nananawagan sa Kongreso na bilisan ang pagpasa ng batas upang maprotektahan ang ekonomiya at seguridad ng Pilipinas.