
Isang painting na ginamit sa horror film ng Viva Films na Lilim ang sinunog matapos umano itong magdulot ng kababalaghan sa set. Ayon sa direktor na si Mikhail Red at production designer na si Ana Lou Sanchez, may mga batang nakakita sa painting ng tribal goddess na si Lilith at nakaranas ng matinding takot at bangungot.
Sa isang insidente, natanggal ang takip ng painting, dahilan upang makita ito ng mga batang nasa retreat. Isa sa kanila ang labis na natakot at kinailangang ipaalbularyo upang makarekober. Dahil dito, napagpasyahan ng production team na sunugin ang painting upang maiwasan ang anumang karagdagang insidente.
Si Ana Lou, isa sa mga lumikha ng painting, ang personal na nagsagawa ng pagsunog kasunod ng payo ng isang albularyo. Ayon sa kanya, bagama’t ginawa nila ito mula sa simula, tila nagkaroon ito ng kakaibang epekto sa mga nakakita rito, na parang nag-manifest ang kwento ng pelikula sa totoong buhay.
Ang pelikulang Lilim ay kinunan sa isang retreat house sa Quezon City, malapit sa isang columbarium na pinaglibingan ng mga kilalang personalidad. Marami sa production team at entertainment press ang nakaramdam ng kakaibang presensya sa lugar, lalo na matapos makita ang painting.
Bagama’t hindi layunin ng production team na lumikha ng isang demonic na imahe, naniniwala silang maaaring may koneksyon ang kanilang lokasyon sa mga kakaibang pangyayari. Sa huli, isinagawa ang isang cleansing ritual bago tuluyang sinunog ang painting upang matigil ang kababalaghan.