Isang babae ang sugatan matapos sagasaan ng kanyang dating nobyo sa Cagayan de Oro nitong Biyernes. Matapos mabundol, tinangka pa umano siyang atrasan ng suspek.
Ayon sa biktima na si Elle, dalawang linggo na silang hiwalay ng kanyang dating kasintahan at matagal nang hindi nagkikita. Kaya laking gulat niya nang mapansin ang kotse nito malapit sa kanyang pinapasukang trabaho.
Habang pauwi na at naglalakad, bigla siyang binundol ng sasakyan ng suspek, dahilan upang tumilapon siya at tumama ang ulo sa semento.
“Pagkabundol niya sa akin, tumilapon ako at nabagok ang ulo ko sa semento. Siguro inakala niyang patay na ako. Pero nang iniangat ko ang ulo ko, nakita kong pinapatakbo niya ulit ang sasakyan papunta sa akin. Nag-backing pa siya sa direksyon ko. Buti na lang, agad akong tumayo at tumakbo,” kuwento ni Elle.
Dinala sa ospital ang biktima at nagtamo ng sugat sa ulo pati na rin mga galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa pulisya ng Cagayan de Oro, dati nang nagpa-blotter si Elle laban sa kanyang dating nobyo. Hindi umano ito simpleng kaso ng Reckless Imprudence Resulting in Physical Injury, kundi may paglabag din sa RA 9262 o Violence Against Women and Children.
Sa ngayon, patuloy pa ring hinahanap ng mga awtoridad ang tumakas na suspek.