
Ang ikatlong season ng South Korean series na "Taxi Driver" ay opisyal nang ipapalabas sa ikalawang kalahati ng 2025.
Ayon sa Soompi, inanunsyo ito ng SBS, ang network ng palabas, noong Pebrero 6.
Muling magsasama-sama ang mga pangunahing cast na sina Lee Je Hoon, Kim Eui Sung, Pyo Ye Jin, Jang Hyuk Jin, at Bae Yoo Ram.
Si Oh Sang Ho ang muling magsusulat ng kwento, habang si Kang Bo Seung (Dr. Romantic Season 3) ang magiging direktor.

Inanunsyo ang renewal ng Season 3 matapos ang Season 2 finale noong Abril 2023, kung saan nakamit nito ang pinakamataas na rating sa kasaysayan ng South Korean miniseries.
Ang "Taxi Driver 3" ay magpapatuloy sa matitinding eksena ng nakaraang seasons, habang pinalalawak ang kwento para sa mas immersive na karanasan.
Batay sa sikat na webtoon, ang serye ay tungkol sa isang misteryosong taxi service na naghihiganti laban sa mga kriminal na nakalulusot sa batas.
Ang kwento ay inspirasyon mula sa totoong mga krimen sa South Korea.
Season 1 - Ipinalabas noong 2021
Season 2 - Ipinalabas noong 2023
Nanalo ang "Taxi Driver 1" bilang Outstanding Hallyu Drama sa Seoul International Drama Awards 2021 at nagwagi rin ng maraming parangal sa SBS Drama Awards noong 2021 at 2023.