Isang babaeng doktor ang natagpuang patay na may tama ng bala sa sentido sa loob ng isang kotse sa kahabaan ng Princeton Street, Monterey Village, Naga City, Camarines Sur, nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa mga ulat, kinilala ng Philippine National Police (PNP) sa Naga ang biktima bilang si Dra. Monette Romualdez, 36 taong gulang, residente ng Singalong, Maynila, at resident doctor sa Bicol Medical Center. Ang pangunahing person of interest sa kaso ay ang kanyang nobyo.
Batay sa mga ulat, bandang alas-2:45 ng hapon, isang nagdaraang residente ang nagulat nang makita ang biktima na duguan at nakahandusay sa upuang pangpasahero sa harapan ng isang nakaparadang Toyota Vios sa lugar. Natuklasan din na hindi pagmamay-ari ng biktima ang nasabing sasakyan.
May ulat na may kasamang isang lalaki ang biktima nang pumasok siya sa naturang sasakyan. Sa CCTV footage na nakuha ng Naga City Police Office, makikita na bandang ala-1:30 ng madaling araw, umalis ang magkasintahan mula sa kanilang tinutuluyang apartment bago natagpuang patay ang biktima.