Isang nakagigimbal na insidente ang naganap sa isang sementeryo sa Brgy. San Isidro, kung saan isang 82-anyos na lola, na kalilibing pa lamang isang araw bago ang krimen, ay ninakaw mula sa kanyang nitso at hinihinalang hinalay.
Mabilis na nagsagawa ng paghahanap ang pamilya, barangay officials, at mga pulis. Natagpuan ang katawan ni “Lola Maria” humigit-kumulang 150 metro ang layo mula sa kanyang libingan, marumi ang kasuotan, may galos sa mukha, at wala nang suot na panloob. Dahil dito, hiniling ng pamilya na isailalim ang bangkay sa autopsy upang matukoy kung totoong ginahasa ito.
Ayon sa mga kaanak, walang mahahalagang gamit na nailibing kasama ng lola maliban sa ilang piraso ng tsokolate, isang rosaryo, at iba pang personal na bagay—ilang sa mga ito ay nawawala matapos ang insidente.
Sa tulong ng CCTV footage, agad na natukoy ang suspek. Nakuhanan ito ng kamera na nakamotorsiklo, walang helmet, at pumasok sa sementeryo bandang ala-1 ng madaling araw. Ilang minuto lang ang lumipas bago ito muling lumabas.
Sa isang panayam kay P/Captain Victor Borjal, hepe ng Sto. Domingo Municipal Police Station, sinabi niyang natunton agad nila ang bahay ng suspek matapos makita ang kanyang motorsiklo na nakaparada sa tapat ng kanyang tahanan. Sa pagmamanman, nakumpirma ng pulisya na tugma ang itsura ng suspek sa nakuhang CCTV footage.
Patuloy pa ang imbestigasyon upang mapanagot ang may-sala sa kasuklam-suklam na krimen na ito.