Bumalik na ang TikTok sa app stores ng Apple at Google sa US matapos i-delay ni Pangulong Donald Trump ang ban hanggang Abril 5 at tiniyak sa mga kumpanya na hindi sila papatawan ng multa para sa pag-distribute o pagpapanatili ng Chinese app.
Ang sikat na short video app na ginagamit ng 170 milyong American users ay nagsimulang ibalik ang serbisyo nito noong Enero, ilang linggo matapos itong mawalan ng access, bilang pagtupad ni Trump sa kanyang pangako na ibalik ang app bago ang kanyang inagurasyon.
Hindi agad nagbigay ng komento ang TikTok nang hingan ng pahayag ng Reuters.
Ang executive order ni Trump noong nakaraang buwan ay nagpaliban sa TikTok ban ng 75 araw, na nagbibigay-daan sa ByteDance-owned app na pansamantalang magpatuloy ng operasyon sa US.
Ayon sa utos, ang mga kumpanyang nagpapatakbo ng mobile application stores o digital marketplaces ay hindi haharap sa anumang parusa para sa pagpapanatili ng TikTok app na gumagana.
Pumangalawa ang TikTok bilang pinakamaraming na-download na app sa US, na may mahigit 52 milyong downloads noong 2024, ayon sa market intelligence firm na Sensor Tower.
Tinatayang 52% ng kabuuang downloads ng TikTok ay mula sa Apple App Store, habang 48% ay mula sa Google Play sa US noong nakaraang taon, ayon sa Sensor Tower.