Nilinaw ng Nissan ang mga pahayag ng kanilang presidente at CEO na si Makoto Uchida sa investors briefing kahapon, partikular na ukol sa kanilang assembly operations sa Thailand.
Matatandaan na binanggit ni Uchida ang plano ng Nissan na pagsamahin ang mga operasyon sa vehicle assembly sa buong mundo upang mapabuti ang cash position ng kumpanya. Kabilang dito ang pagsasara ng planta sa Thailand at dalawa pang iba, gayundin ang pagbabawas ng shifts at pagsasama-sama ng operasyon sa dalawang planta sa U.S.
Gayunpaman, sa isang opisyal na pahayag, ipinaliwanag ng Nissan Philippines na isa lamang sa dalawang planta—ang Nissan Plant #1—ang isasara, habang ang Plant #2 ay magpapatuloy ng operasyon. Sa katunayan, magkakaroon ng line upgrades sa Plant #2 simula sa unang quarter ng fiscal year 2025. Ang Plant #1 naman ay gagawing body at press shop at magiging logistics hub.
Sa kasalukuyan, ang Nissan Samut Prakan Plant #1 ang gumagawa ng Almera at Kicks e-Power, habang ang Plant #2 ay gumagawa ng Terra at Navara. Sa pamamagitan ng hakbang na ito, mananatiling may access ang Nissan Philippines sa lahat ng kasalukuyang modelo.
Narito ang opisyal na pahayag ng Nissan:
"Bilang bahagi ng global turnaround measures ng Nissan at patuloy na business transformation sa ASEAN at Thailand, pinagsasama ng Nissan ang produksyon sa Plant #1 patungo sa Plant #2 sa Thailand, na magkakaroon ng line upgrades simula Q1 FY2025.
Layunin ng hakbang na ito na ma-optimize ang fixed costs at maghanda para sa lokal na produksyon ng mga bagong modelo sa Thailand.
Ang Plant Line #1 ay isasara para sa vehicle assembly at gagamitin bilang body at press shops at logistics hub.
Mananatiling mahalagang market para sa Nissan ang Thailand sa Southeast Asia, at patuloy ang pangako ng kumpanya na palaguin ang negosyo at brand sa ASEAN at Thailand markets."