Isang bangkay ng dalagita ang natagpuang nakasilid sa isang maleta at palutang-lutang sa Sapang Alat River sa San Jose Del Monte, Bulacan noong Huwebes ng hapon.
Ayon kay Police Chief Master Sergeant Adrian Nolasco, ang biktima ay residente ng Tala, Caloocan. Nakatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa bangkay na nakita sa ilog. “Pagdating namin, nakita namin ang bahagyang bukas na maleta at may nakikitang bangkay sa loob. Tumawag agad kami sa investigator at humingi ng tulong mula sa SOCO para ma-recover ang bangkay,” pahayag ni Nolasco.
Lumabas sa imbestigasyon na huling nakita ang biktima noong Pebrero 7 nang magpaalam itong pupunta sa kaibigang humihingi ng tulong. Nagreport ang pamilya ng pagkawala nito noong Pebrero 10 matapos hindi ito makauwi. Ayon sa kapatid ng biktima, “Pumunta daw siya sa kaibigan niyang binubugbog ng asawa. Pero 10 p.m. na, hindi na siya nagparamdam.”
Ayon sa SJDM PNP, may nakita silang butas sa leeg ng biktima. “Sana makonsensya ang nasa likod ng krimen at lumabas ang katotohanan,” sabi ng kapatid nito.
Sa kasalukuyan, may dalawang persons of interest na tinutugis ang mga awtoridad. “Patuloy ang aming pagkalap ng ebidensya para mapatatag ang kaso. Sisiguraduhin naming makakamit ang hustisya,” ani Nolasco.