
Ibinabalita ng Munimuni ang kanilang tour para sa album na Alegorya ngayong taon.
Noong Pebrero 1, 2025 (Sabado), inanunsyo ng indie-folk band na sila’y maglulunsad ng nationwide tour bilang suporta sa kanilang pangalawang album, ang Alegorya, na inilabas noong Mayo 8, 2024. Sa mga sumunod na araw, kinumpirma ng banda na tutungo sila sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Noong Pebrero 10, 2025 (Lunes), opisyal nang inanunsyo ng Munimuni ang mga lugar ng kanilang tour, kabilang ang Baguio, La Union, Metro Manila, Lucena, Cebu, Cagayan de Oro, at Davao. Wala pang eksaktong detalye tungkol sa mga venue, ticketing, at iba pang impormasyon, kaya’t manatiling nakaantabay para sa mga update.
Ang tour na ito ay inorganisa ng Gabi Na Naman Productions at kasunod ng ikatlong major concert ng Munimuni noong Hulyo 20, 2024 sa UP Theater, Quezon City, na ginanap rin bilang suporta sa bagong album. Ang naturang concert ay sumunod sa kanilang Kulayan Natin concert noong 2019 sa Cine Adarna, UP Film Center, Quezon City at ang kanilang self-titled major show sa Music Museum, San Juan City noong 2018.
Matapos ang ‘Alegorya’ concert, nag-perform din ang Munimuni sa 2024 iteration ng AXEAN — ang “unang intra-regional music showcase event sa Southeast Asia,” na ginanap sa Jimbaran Hub sa Bali, Indonesia. Kinatawan nila ang Pilipinas kasama sina Maki, crwn, Eco del Rio ng bird., Muri, at Mix Fenix.