
Ang performance ni Maris Racal sa Kapamilya action series na Incognito ay umani ng papuri mula sa mga manonood. Gayunpaman, inamin ni Maris na kinakabahan siya kung paano tatanggapin ng audience ang kanyang karakter bilang si Gab Rivera, lalo na’t ito ang kanyang unang pagkakataon na gumawa ng action genre. “May konting insecurities kasi first time ko. Baka isipin nila na hindi naman ako astig, hindi bagay. Pero nagulat ako sa reviews, sa mga comments, na gusto nila yung character ko doon,” pagbabahagi niya.

Kamakailan, naging usap-usapan ng mga viewers ang eksena kung saan tumakbo si Maris sa gubat na naka-sexy lingerie lamang. Ibinahagi ni Maris ang kanyang karanasan sa naturang eksena na kinunan sa malamig na Baguio. “Super lamig. Nanginginig lang ako the whole time,” kuwento niya. Nang tanungin kung komportable ba siya, agad niyang sinabi, “Itodo natin to! Game ako!” Dagdag pa niya, “Wearing that didn’t faze me. Very comfortable [ako] with my whole body.” Para kay Maris, ang eksenang ito ay nagbigay sa kanya ng pagkakataong ipakita ang kanyang kumpiyansa sa sariling katawan.
Bukod sa mahusay na pagganap ng mga artista, pinuri rin ng mga manonood ang iba’t ibang aspeto ng Incognito. Kabilang dito ang magagandang lokasyon, mabilis na takbo ng kwento, nakakagulat na cameo appearances, at ang dekalidad na camerawork at stunts. Ayon kay Maris, hindi nila inaasahan ang mataas na ratings ng palabas. “We had a feeling na they’re gonna love it, but we didn’t expect the numbers to be like that. Number one siya agad, it stayed there for a long time,” aniya.
Samantala, may ilang viewers na nagkomento na parang “green screen” ang ilang backdrop ng mga eksena dahil sa sobrang ganda nito. Sa halip na mainis, itinuring ito ni Maris bilang papuri. “Pag sinabing green screen, compliment siya kasi ganoon siya kaganda. The place is just beautiful. And the production is using prime lenses that’s why ganoon siya kaganda,” paliwanag niya.
Sa kabila ng tagumpay ng Incognito, sinabi ni Maris na marami pang dapat abangan sa serye. “There are still so many things to uncover,” aniya. Patuloy itong mapapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, TV5, at A2Z, habang ang advance episodes ay available sa Netflix.