Arestado ang isang 25-anyos na estudyante sa Makati City matapos maaktuhan sa iligal na pagbebenta ng baril sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni NCRPO chief, PBrig. General Anthony Aberin, ang suspek na si alyas “Jonathan,” na nahuli dakong alas-4:00 ng hapon sa Chino Roces Avenue, Barangay Magallanes, Makati.
Ayon sa ulat, ang operasyon ay isinagawa ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Southern Police District, katuwang ang District Intelligence Division, District Mobile Force Battalion, at Makati City Police Station. Layunin nitong ipatupad ang election gun ban matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa ilegal na aktibidad ng suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang 5.56 rifle at dalawang magazine na may mga bala, isang caliber 5.7 Ruger pistol at dalawang magazine na may lamang bala, isang iPhone 12 na ginamit sa transaksyon, at isang Toyota Corolla Altis. Natagpuan din sa sasakyan ang iba’t ibang identification cards na nakapangalan sa suspek.