
Nagpaabot ng pakikiramay ang K-pop star na si Sandara Park, na mas kilala bilang Dara, sa naulilang pamilya ng Taiwanese actress at Meteor Garden star na si Barbie Hsu.
Pumanaw si Barbie dahil sa influenza-induced pneumonia noong Pebrero 2, 2025. Siya ay 48 taong gulang.
Sa X (dating Twitter) noong Miyerkules, Pebrero 5, nagbigay ng komento si Sandara sa isang video na ipinost ng isang netizen. Sa video, makikita ang 2NE1 member na kinakanta ang "Ni Yao De Ai," ang sikat na theme song ng Meteor Garden, sa isang New Year’s Eve party sa Taiwan noong Disyembre 2024.
Sa comments section ng naturang post, inalala at pinasalamatan ni Sandara si Barbie dahil sa naging malaking impluwensiya nito sa kanya noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz.
Mensahe ni Sandara:
"Rest in peace Barbie Hsu.
"I got influenced by you since I started my career.
"We will always remember you."
Ang career ni Sandara Park
Unang nakilala si Sandara sa Pilipinas matapos siyang maging runner-up sa artista search ng ABS-CBN na Star Circle Quest noong 2004. Tinagurian din siya noon bilang “Pambansang Krung-Krung.”
Nilisan niya ang Pilipinas noong 2007 at bumalik sa South Korea upang mag-training sa YG Entertainment bilang isang K-pop star.
Noong 2009, nag-debut si Sandara bilang miyembro ng all-female K-pop group na 2NE1, kasama sina CL, Park Bom, at Minzy.
Ilan sa mga pinasikat nilang kanta ay "Fire," "I Am The Best," "Ugly," at "Lonely."
Sandara Park @krungy21 covers Penny Tai's Ni Yao De Ai at the Kaohsiung New Year's Eve Party.#SandaraPark #PennyTai #BarbieHsu #MeteorGarden pic.twitter.com/uLiflwOA01
— @pauloinmanila and 99 others (@pauloMDtweets) February 5, 2025