Malaking pagtaas ang naitala sa pagtatapos ng mga kaso sa iba't ibang hukuman sa bansa noong 2024, ayon sa tagapagsalita ng Korte Suprema nitong Miyerkules, Disyembre 11.
Hanggang Setyembre 30, nakapagtala ang Korte Suprema ng 22% na case disposition rate, na may 4,294 kasong nalutas. Mas mataas ito kumpara sa 21% na disposition rate noong 2023.
Samantala, hanggang Nobyembre 30, nakapagtala ang Court of Appeals ng 35% case disposition rate, na may 14,699 kasong nalutas. Bahagyang mas mababa ito kumpara sa 35.95% disposition rate nito noong 2023.
Ang Sandiganbayan, sa kabilang banda, ay nakapagtapos ng 994 kaso na may 44% disposition rate, habang ang Court of Tax Appeals ay nakapagresolba ng 648 kaso na may 29% disposition rate.
Noong nakaraang taon, ang anti-graft court ay mayroong 57% disposition rate, samantalang ang appellate tax court ay may kaparehong 29% disposition rate.
Sa mga kasong hinawakan ng mas mababang hukuman, 43% ang matagumpay na nalutas, na may kabuuang bilang na 508,197 kaso.
Noong nakaraang taon, ang second-level courts, kabilang ang Regional Trial Courts at Shari’ah District Courts, ay may 42% disposition rate, habang ang first-level courts ay may 61% disposition rate.
Ayon sa Korte Suprema, ang case disposition rate ay nakukuha sa pamamagitan ng paghahati sa kabuuang bilang ng nalutas, naresolba, at na-archive na mga kaso sa kabuuang bilang ng mga nakabinbin at bagong kaso, at pagkatapos ay imumultiply ito sa 100.