Good news sa mga customers ng Meralco: bababa ang singil sa kuryente ngayong buwan dahil sa pagbaba ng generation at transmission costs.
Inanunsyo ng Meralco ang rate cut na P0.36 per kilowatt-hour (kWh) para sa Oktubre, kaya’t ang kabuuang rate ay magiging P11.4295/kWh. Narito kung magkano ang matitipid ng mga customers sa kanilang electric bills:
- 200 kWh: P72 na matitipid
- 300 kWh: P108 na matitipid
- 400 kWh: P143 na matitipid
- 500 kWh: P179 na matitipid
Ayon sa Meralco, ang mas mababang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ay nakatulong upang ma-offset ang karagdagang gastos mula sa Malampaya gas field. Bumaba ang WESM rates ng P5.1001 per kWh matapos matapos ang koleksyon ng deferred charges noong Mayo 2024, ayon sa utos ng Energy Regulatory Commission (ERC). Ang mas magandang supply ng kuryente sa Luzon grid, dahil sa pagbaba ng average demand at outages ng higit sa 500 MW, ay nakatulong din sa pagbaba ng rates.
Bukod dito, binawasan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang transmission rate ng P0.0383 per kWh dahil sa pagbaba ng ancillary service charges. Bumaba rin ang mga buwis at iba pang fees ng P0.0145 per kWh.
Paalala ng Meralco na ang distribution charge nito ay hindi pa nagbabago mula noong Agosto 2022, nang ito ay binawasan ng P0.0360 per kWh para sa typical na residential customers.