Pagkatapos ng pitong taon mula nang pumanaw si Chester Bennington, ang dating bokalista ng Linkin Park, ang sikat na banda mula sa Amerika ay nag-anunsyo ng kanilang pagbabalik sa eksena. Sa isang nakakagulat na pahayag, inihayag ng Linkin Park na maglilibot muli sila sa 2025 at kasama ang bago nilang bokalistang si Emily Armstrong, na kilala bilang miyembro ng bandang Dead Sara.
Bago pa man ang opisyal na anunsyo, lumabas na ang mga spekulasyon na ang bagong bokalista ng banda ay maaaring isang babae. Maging si Amy Lee ng Evanescence ay nagpahayag ng interes sa pagsama sa grupo. Ngunit, sa huli, si Emily Armstrong ang napili ng banda upang manguna sa kanilang bagong yugto.
Sa isang live stream noong ika-6 ng Setyembre (oras sa Pilipinas), ipinakilala si Emily at unang beses siyang tumugtog kasama ang banda. Inihayag din nila na ilalabas ang kanilang bagong album na pinamagatang "From Zero" sa darating na Nobyembre. Kasabay ng pagbabagong ito, kinumpirma rin na hindi na babalik ang dating drummer ng Linkin Park na si Rob Bourdon, at papalitan siya ni Colin Brittain.