Arestado ang isang 25-anyos na lalaki at isang 16-anyos na binatilyo matapos umanong gahasain ang isang 17-anyos na babae sa Brgy. Apas, Cebu City madaling araw ng Huwebes, Abril 24.
Ayon sa pulis, lasing ang biktima noong dinala siya ng dalawang suspek sa isang madilim at abandonadong bahay matapos ang kanilang inuman kasama pa ang ibang tao.
Kwento ng dalaga, sinubukan niyang tumanggi at humingi ng tulong, pero dahil lasing siya at mahina, hindi na siya nakalaban pa. Pinuwersa siyang hubaran at ginahasa ng dalawang lalaki.
Ang insidente ay nangyari bandang 1:00 a.m. at naireport sa pulis 6:30 a.m. Agad namang nagsagawa ng hot-pursuit operation ang mga otoridad.
Naaresto sina “Jun,” 25 anyos, at ang kanyang 16-anyos na kasama sa kani-kanilang bahay sa parehong araw.
Habang nasa kustodiya na ngayon ang dalawang suspek sa Mabolo Police Station, ang biktima naman ay isinailalim sa stress debriefing.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kaso ng rape laban sa dalawang suspek.
Paalala muli ng pulisya sa mga kabataan, lalo na sa mga babae, na maging maingat sa mga inuman dahil maaari itong magdulot ng mapanganib na sitwasyon.