Nanganganib nang tuluyang mamatay ang mga ilog sa Cebu City dahil sa basura mula sa mga bahay. Ayon sa 2025 River Assessment Report ng Cebu City Environment and Natural Resources Office (CCENRO), ang mga karaniwang sachet ng sabon, maruming tubig, at organikong basura ay ilan sa mga pangunahing dahilan ng polusyon sa mga ilog.
Napansin sa Lahug River ang tambak ng plastic sachet, lalo na malapit sa bukal na ginagamit ng mga residente. Sa Mahiga River, diretsong maruming tubig mula sa paghuhugas at iba pang gawaing bahay ang itinatapon sa ilog. Sa Bulacao River, labis na organic waste ang sanhi ng pagdami ng lumot sa tubig.
Bagama’t maraming ilog ang marumi, may ilan pa ring malinis at ligtas tulad ng Cotcot River, na may malinaw na tubig at mga hayop na sensitibo sa polusyon. Ipinapakita nito kung gaano kalala ang polusyon sa mga mas mataong lugar sa lungsod.
Binigyang-diin ng ulat ang pangangailangang turuan ang mga komunidad ukol sa tamang pagtatapon ng basura. Hinihikayat din ang mga barangay leaders na maging aktibo sa pagprotekta sa kalikasan, lalo na sa mga ilog na pinagmumulan ng inuming tubig.