Isang netizen ang naglabas ng reklamo online laban sa isang kilalang airline matapos hindi payagan ang kanyang 78-anyos na tatay na makasakay ng eroplano papuntang Bali, Indonesia. Ayon kay Diana Natividad, maayos silang dumaan sa travel tax at immigration, at kumpirmado ng immigration staff na valid pa ang passport ng kanyang ama kahit may maliit na punit ito.
Pagdating nila sa check-in counter A19, napansin daw ng ground staff ang punit at sinabing kailangang ipadala ito sa immigration sa Bali para malaman kung tatanggapin. Ilang minuto silang pinaghintay, at habang nagtatanong, nakatanggap pa sila ng hindi maganda at tila emosyonal na sagot: “Kung mawalan ako ng trabaho, ano ipapakain ko sa anak ko?”
Sa kabila ng tensyon, nakakuha ng boarding pass ang kanyang ama mula sa senior citizen counter. Pero habang naghihintay sa Gate 102, walang abiso na lumipat na pala sa Gate 111, kaya tumakbo sila papunta roon. Pagdating sa bagong gate, hindi na pinapasakay ang kanyang ama kahit may boarding pass na ito at nakalusot na sa immigration.
Dahil dito, hindi na siya nakasama sa biyahe. Naiwan siyang mag-isa at umuwi nang dismayado. Ayon kay Diana, pinatunayan muli ng immigration na valid ang passport at walang dapat ipag-alala. Tinawagan pa ng Cebu Pacific supervisor ang gate para ipahintulot na pasakayin ang ama, pero tumanggi pa rin ang staff.
Sa post niya, binigyang-diin ni Diana na baka overbooked ang flight at ginamit lang ang punit bilang dahilan. Kaya't pinaalalahanan niya ang lahat: “Ingatan ang passport. Laging kumuha ng malinaw na litrato ng bawat pahina at huwag hayaang iwan ito kahit kanino. Kahit pasado ka na sa immigration, pwede ka pa ring hindi pasakayin ng airline staff.”