Patay ang isang dalagita matapos malunod sa swimming pool ng isang resort na under construction sa Kawit, Cavite. Ang biktima, na nakilala sa alyas "Camille", ay hindi na naisalba sa pagamutan. Nangyari ang insidente ng April 18 bandang alas-6:10 ng gabi sa Chloe Ryss Miguel Resort.
Ayon sa owner ng resort na si Jose Gatdula, kasalukuyan pang itinatayo ang resort at hindi pa ito bukas sa publiko. Dumaan ang biktima at ang kanyang pamilya sa resort para sa isang family reunion, at isa sa mga kasama nila ay dating empleyado ng may-ari.
Base sa CCTV ng resort, makikita ang biktima na naglalaro sa kiddie pool, tapos ay lumipat sa adult pool. Dahil hindi siya nakita ng mga kasama, nagpatuloy siya sa paglangoy hanggang sa malunod. Tinangka pang buhayin siya ng kanyang tiyuhin, ngunit idineklara na itong dead-on-arrival sa ospital.