Mahigit limang taon na mula nang i-cancel ng Netflix ang sariling Daredevil show nito. Ngayon, ay may bagong serye na batay sa karakter na ito na malapit nang ipalabas. Ang Daredevil: Born Again ng Disney ay nakatakdang ilabas sa Marso 2025.
Inanunsyo ang Born Again noong 2022, pero nitong Abril ng taon na ito lang natapos ang filming ng show. Ang unang season ay magkakaroon ng siyam na episodes at magiging bahagi ito ng Phase Five ng MCU.
Asahang magbabalik si Charlie Cox bilang Matt Murdock/Daredevil. Mula nang makansela ang show, lumabas siya bilang karakter sa Spider-Man: No Way Home noong 2021 at sa Disney series na She-Hulk: Attorney at Law noong 2022. Nagkaroon din siya ng cameo sa Disney miniseries na Echo.
Kasama ni Cox sa cast ay si Vincent D’Onofrio bilang Wilson Fisk/Kingpin. Kabilang din sa cast sina Margarita Levieva, Deborah Ann Woll, Elden Henson, Zabryna Guevara, Nikki M. James, Clark Johnson, Michael Gandolfini, Jon Bernthal, at marami pang iba.
Ang Daredevil: Born Again ay magde-debut sa Disney+ sa Marso 4, 2025.