Dalawang atleta ang nagpakitang-gilas sa NCAA Season 100 volleyball tournament matapos nilang pangunahan ang kanilang koponan sa mga nakakagulat na panalo laban sa malalakas na kalaban.
Kinilala sina Yen Martin ng Letran Lady Knights at Carl Berdal ng Arellano Chiefs bilang NCAA Players of the Week ng Collegiate Press Corps para sa March 6-8.
Sa women's division, gumawa ng kasaysayan ang Letran Lady Knights nang tapusin nila ang 43-game winning streak ng De La Salle-College of Saint Benilde, 25-22, 25-23, 26-24.
Ang panalong ito ay pinangunahan ni Martin na nagtala ng 19 puntos na may 17 attacks at isang block, dagdag pa ang limang excellent receptions.
Ayon kay Coach Oliver Almadro, nakikita niya ang sipag at determinasyon ni Martin sa bawat training at laro.
“She’s really a hard worker. Disiplinadong bata. Napakabait. So who am I to prevent her from growing?” sabi ni Almadro.
Dagdag pa ni Almadro, ito ay simula pa lamang para sa Lady Knights na may 3-0 win-loss record ngayong season.
Sa men’s division naman, nagpakitang-gilas si Carl Berdal ng Arellano Chiefs nang pangunahan niya ang koponan sa isang five-set thriller laban sa Perpetual Altas, 25-18, 22-25, 25-14, 21-25, 15-13, noong March 7.
Si Berdal ay nagtala ng 21 puntos na may kasamang 19 attacks at 11 excellent receptions na nagbigay ng malaking dagok sa apat na beses na kampeon na Perpetual.
Ayon kay Berdal, “Alam naman natin na ang Perpetual ay defending champion sa NCAA volleyball, kaya malaking bagay na natalo namin sila. Nakaka-boost ng morale at confidence para sa susunod na laro.”
Dahil sa kanyang impressive performance, tinalo ni Berdal sina Roy Motol ng Benilde, Ar-jay Ramos ng Mapua, at Axel Van Book ng San Beda sa deliberasyon ng mga sports writers.